Sa kabila ng bahagyang pagbaba mula Setyembre ng nakaraang taon hanggang nitong Marso, nananatili pa ring mataas ang ratings na natanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y base na rin sa mga survey na isinagawa ng Pulse Asia at ng Social Weather Stations (SWS).
Noong Setyembre, naitala ang pinakamtaas na approval at trust ratings ni Duterte na umabot sa parehong 86 percent base sa Pulse Asia survey.
Gayunman, pagdating ng buwan ng Marso, bumaba naman sa 78 percent ang kaniyang approval rating, habang nasa 76 percent naman ang kaniyang trust rating.
Mula rin Setyembre hanggang Marso, bumaba ng 15 points ang trust rating kay Pangulong Duterte sa Luzon, habang 7 points naman sa Metro Manila, 6 points sa Mindanao at 2 points sa Visayas.
Samantala, bahagya ring bumaba ang net satisfaction rating ng pangulo sa +63 nitong Marso at noong Disyembre, kumpara sa +64 noong Setyembre.
Sa trust ratings naman ng pangulo sa SWS surveys, nakakuha siya ng “excellent” na net satisfaction rating na +76 noong Setyembre na naging +70 na lang nitong Marso.
Bahagya ding bumaba ang suporta ng mga tao sa kampanya laban sa iligal na droga dahil mula sa +77 noong Disyembre ay bumagsak ito sa +66.