Inihalintulad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ideolohiya ng Nazi ni Adolf Hitler ang pambubulabog ng mga Islamic extremists.
Ayon kay Pangulong Duterte, isang “brutal and cruel group” ang nasa likod ng rebelyon na nangyayari sa Marawi na pinopondohan ng gamit ang pera mula sa iligal na droga, na tinawag niya ring isang “international insanity.”
Bagaman una nang sinabi ng pangulo na nagwawagi na ang pamahalaan sa Marawi, nagbabala si Duterte na posible pang tumagal ng deka-dekada ang laban kontra mga ISIS-inspired groups.
Ani Duterte, walang makapagsasabi kung kailan matatapos ang digmaan na ito.
Unang sinabi ng pangulo na posibleng matapos na ang bakbakan bago matapos ang buwan, ngunit nang mapaalalahanan siyang matatapos na ngayong araw ang buwan ng Hunyo, sinabi niyang hindi naman niya ito kayang hulaan.
Balak ng pangulo tumungo sa Marawi City, ngunit pinayuhan siya ng Presidential Security Group na huwag ianunsyo kung kailan siya pupunta para na rin sa kaniyang kaligtasan.