Nagbigay ng kani-kanilang panukala ang iba’t ibang grupo ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kay Bureau of Customs Commissioner Alberto Lina sa usapin ng pagbusisi sa mga balikbayan boxes sa ilalim ng Customs and Tariff Act.
Ang pagpupulong na isinagawa sa BOC ay dinaluhan ni Lina, Presidential Spokesperson Edwin Lacierda at ng mga kinatawan ng ng alyansa ng nasa dalawampung civil society group ng mga OFWs.
Ayon kay dating Ambassador At OFW Family Club Party List Rep. Roy Señeres, kinakailangan munang amyendahan ang Executive Order 206 na pinirmahan ni dating Pangulo Corazon Aquino para maiakma ito sa kasalukuyang panahon.
Ilan sa mga panukala ni Señeres ang maitaas ang allowable value ng mga laman ng balikbayan boxes mula P10,000 ay gawing P100,000.
Nais din ng mga OFW groups na maamyendahan ang nabanggit na batas para matanggal na ang probisyon na may kinalaman sa ‘one-of-a-kind’ items o mga household effects na laman ng mga dumarating na balikbayan boxes.
Panukala naman ni Lina, magtalaga ang mga OFW groups ng kinatawan sa Office of the Commissioner para makaagapay sa pagbabantay ng mga balikbayan boxes na minsan ay ginagamit sa pagpuslit ng illegal na mga items papasok ng bansa.
Ipinaliwanag din ni Lina ang prosesong isasagawa ng Customs sa mga balikbayan boxes. Una, lahat ng shipments na may baikbayan boxes ay sasailalim sa mandatory x-ray examination.
Kung may makikitang kahina-hinala ang BOC sa isinagawang x-ray exam ay bubuksan ang container van para maisailalim sa scan ang mga balikbayan box gamit ang mas maliit na x-rays. Kung may makikita pa ring kahina-hinala sa ikalawang x-ray ay saka lang magsasagawa ng physical inspection.
Sa ngayon, sinabi ni Lina na nasa proseso sila ng pagtukoy kung gaano karaming K9 units ang kanilang kakailangan para sa lahat ng airports at seaports sa bansa.
Bumili rin ang BOC ng karagdagang mahigit 200 CCTV cameras para sa dagdag seguridad at pagbabantay laban sa smuggling.