Inirereklamo ng mga motorista at residente sa Rodriguez, Rizal ang araw-araw na perwisyo na kanilang nararanasan dahil sa matinding traffic bunsod ng naglalakihang mga truck na labas-masok sa bayan.
Sa post ng mga netizen, inaabot sila ng dalawa hanggang tatlong oras sa traffic lalo na kapag rush hour dahil puro malalaking truck ang nasasalubong nila sa kalsada.
Dahil maliliit lang naman ang kalsada sa nasabing munisipalidad, matinding traffic talaga ang naidudulot kapag nagkakasalubungan na at sabay-sabay nang naglalabasan ang mga truck.
Sa kaniyang post sa Facebook, sinabi ni Rodriguez Councilor Roger Frias na ang ordinansa na ipinatupad sa katabing bayan na San Mateo ang dahilan ng traffic.
Sa nasabing ordinansa, ipinagbawal ng San Mateo ang pagdaan ng truck sa kanilang bayan sa loob ng 300-araw.
Ayon kay Frias, mali ang ginawang pagpapatupad ng pamunuang bayan ng San Mateo sa nasabing ordinansa dahil hindi ito pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ng Rizal.
Ang tinutukoy na ordinansa ng konsehal ay pirmado ni San Mateo, Rizal Mayor Cristina Diaz.
Dagdag pa ni Frias, marahil nais nga pamahalaang bayan ng San Mateo na saklawan ang lahat ng truckers upang sa kanila magparehistro ang mga nagnenegosyo ng trucking.
Aniya, maling ipinatupad ang pagbabawal sa mga truck dahil ang national road ay hindi dapat saklaw ng LGU.
“Ang Ordinansa na ito ay lubhang nagpabigat sa daloy ng trapiko sa ating Bayan. Ito ay maling ipinapatupad ng Bayan ng San Mateo dahil ito ay wala pang pagtitibay sa Sangguniang Panlalawigan at ito ay taliwas sa batas dahil ang tinutukoy na daan ay National Road, na ang sumasaklaw lamang ang sangay ng Public Works and Highway upang ito ay i-regulate,” ayon sa post ni Frias
Sinabi ni Frias na tinutulan ng lokal na pamahalaan ng Rodriguez ang ipinatupad na ordinansa ng San Mateo dahil labis nga nitong maaapektuhan ang daloy ng traffic sa bayan.
Ipinarating na rin umano nila sa Rizal Provincial Government ang kanilang pagtutol hinggil sa nasabing ordinansa.