Hiniling ng pamunuan ng United Coconut Planters Bank (UCPB) sa Philippine Coastguard na palayain na ang kanilang mga empleyado na pinigil noong Linggo ng gabi sa Cagayan De Oro City dahil sa tangkang pagbiyahe sa P32 million na cash.
Sa statement ng UCPB, binigyang-linaw na umano nila sa PCG na bahagi ng kanilang “normal bank procedure” ang pagbiyahe sa nasabing mga pera.
Bagaman tinatrato naman ng maayos sinabi ng UCPB na nangangamba sila sa ilang araw nang pagkakakulong ng kanilang mga tauhan at sa posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga ito.
Kabilang sa hinarang ng coast guard ang dalawang branch employees ng UCPB at dalawang non-uniformed security escorts na pasakay sana sa Trans-Asia vessel patungong Cebu.
Dadalhin sana ang mga pera sa Cebu Cash Center ng UCPB galing sa kanilang UCPB Velez branch sa Cagayan.
Sa statement ng UCPB, ang kanilang mga tauhan ay inihatid ng armored vehicle sa Macabalan port at mayroon din sanang susundo sa kanilang armored van sa Cebu port.
Umaasa ang mga opisyal ng UCPB na sa ibinigay nilang paglilinaw ay palalayain na ang kanilang mga empleyado at kanilang escorts.