Padre de pamilya ng mga biktima ng masaker sa Bulacan, hindi naniniwalang isa lang ang suspek sa krimen

Kuha ni Jomar Piquero

Hindi kumbinsido si Dexter Carlos, ang padre de pamilya ng mga biktima ng masaker sa San Jose Del Monte, Bulacan sa deklarasyong posibleng isa lang ang suspek sa pagpatay sa kaniyang pamilya.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Carlos na hindi siya naniniwala na tanging ang suspek na si Carmelino Ibañes ang gumawa ng krimen.

Sinabi ni Carlos na posibleng nasabihan lang si Ibañes na siya na lang ang umako sa krimen at maaring mayroon itong pinoprotektahan na ibang kasamahan.

“Hindi ako naniniwala na yun lang ang may gawa, nasabihan na yon na siya na lang ang umako,” ayon kay Carlos.

Sinabi ni Carlos sa sinapit ng kaniyang pamilya, imposibleng isang tao lamang ang gumawa ng krimen.

Kaya din aniya ng kaniyang misis na si Estrella na lumaban kung totoong si Ibañes lang ang suspek.

Maliban dito, sinabi ni Carlos na maraming concerned citizen ang nagbigay sa kaniya ng impormasyon na lima ang pumasok sa kanilang tahanan subalit natatakot ang mga ito na tumestigo.

 

 

 

Read more...