MILF handa pa ring tumulong na wakasan ang gulo sa Marawi

 

Bukas ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pagbibigay ng kanilang tulong para sa ikareresolba ng krisis sa Marawi City.

Ayon kay MILF peace implementation panel chief Mohager Iqbal, handa silang tumulong para mawakasan na ang bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at mga Islamic State-inspired na terorista sa Marawi.

Handa aniya silang mamagitan sa gulo kung para ito sa interes at ikabubuti ng mga sibilyan, ngunit hindi pa naman sila nakakatanggap ng pormal na imbitasyon mula sa gobyerno para gawin ito.

Noong Linggo lang ay mga emisaryong nakipagpulong kay Abdullah Maute at sinabing handa ang lider ng Maute Group na makipag-negosasyon sa gobyerno at palayain si Fr. Chito Suganob kapalit ng kalayaan ng kaniyang mga magulang na sina Farhana at Cayamora Maute.

Sinabi rin nitong handa silang umalis sa Marawi kung papagitna sa kanila ang MILF.

Gayunman, tinanggihan ng pamahalaan ang anumang uri ng negosasyon sa teroristang grupo.

Tumutulong na ang MILF sa pagsagip sa mga sibilyang naiipit pa rin sa bakbakan sa Marawi, sa pamamagitan ng Joint Coordinating, Monitoring and Assistance Center ng MILF at gobyerno.

Ani Iqbal, kung magkakaroon makakatanggap man sila ng pormal na request, naniniwala siyang ikukonsidera ito ng pamunuan ng MILF.

Read more...