Ayon kay Duterte, sisibakin niya ang isang opisyal sa mga susunod na araw kung mapapatunayang humingi nga ito ng pera.
Muli pang nagpaalala ang pangulo sa mga kawani ng gobyerno na iwasan ang masangkot sa katiwalian dahil ito ang humahatak pababa sa bansa.
Aniya pa, kaya hindi umaasenso ang bansa ay dahil halos puro magnanakaw ang mga nasa gobyerno.
Nagbanta pa siya na hindi siya mag-aalinlangan na sibakin maging ang mga nasa baba at pati ang mga direktor kahit pa 25 taon nang nanunungkulan ang mga ito.
Hinding hindi niya aniya ito kukunsintehin ang mga corrupt na opisyal sa ilalim ng kaniyang panunungkulan.
Una nang sinibak ni Pangulong Duterte ang kaniyang naging campaign spokesman at matagal nang aide a si Peter Laviña sa National Irrigation Administration (NIA), pati si dating Interior Sec. Ismael Sueno dahil rin sa isyu ng katiwalian.
Tinanggal rin ni Duterte ang undersecretary ng National Food Authority (NFA) na si Maia Chiara Valdez dahil naman sa isang anomalya sa rice importation.