Nagpaliwanag si Pangulong Rodrigo Duterte sa ilang araw na hindi niya pagpapakita sa publiko.
Sa kanyang talumpati sa 120th founding anniversary ng Presidential Security Group sa Malacañang, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya kakayanin na maupo lamang sa kanyang opisina habang nagpapatuloy ang kaguluhan sa Marawi City.
Sinabi ng pangulo na noong mga araw na hindi siya nakikita ng publiko, bumibisita siya sa iba’t ibang kampo sa bansa.
Nais ni Duterte na matiyak na nananatiling mataas ang morale ng tropa ng pamahalaan.
Binigyang-diin pa ng pangulo na hindi dapat paniwalaan ang mga ulat na siya ay comatose o may sakit.
Simula nang ideklara ni Pangulong Duterte ang Martial Law sa Mindanao noong May 23, hindi na siya nakita ng pulibko sa dalawang pagkakataon.
Una ay, limang araw matapos hindi makadalo sa Independence Day rites, at ikalawa, anim na araw matapos bisitahin ang mga evacuees sa Iligan City at mga sugatang sundalo sa Cagayan de Oro City.
Una nang sinabi ni Presidential spokesperson Ernesto Abella na sa kabila ng hindi pagpapakita ni Duterte sa publiko, buhay na buhay at nasa maayos na kondisyon ang pangulo.
Makaraan ang seremonya sa PSG compound ay kaagad na nagtungo ang pangulo sa Clark Pampanga para sa turnover ceremony ng daan-daang mga baril at bala mula sa China.
Sa kanyang talumpati ay muling sinabi ng pangulo na titiyakin niyang mabibigyan ng maayos na military hardware ang tropa ng pamahalaan kontra sa mga kalaban ng estado.
Kanya ring pinasalamatan ang China sa pagtupad sa kanilang pangako na pagtulong sa pagpapalakas ng militar ng ating bansa.
Ang nasabing mga baril ay knabibilangan ng mga assault at sniper rifles.