Bureau of Customs, pinaka-corrupt na ahensya ng gobyerno ayon sa SWS Survey

customs
File photo

Sa isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS), lumitaw na ang Bureau of Customs (BOC) ang pinaka-tiwaling ahensya ng pamahalaan.

Ang BOC ay nakakuha ng ‘very bad’ rating o score na -63 kaugnay sa usapin ng sinseridad sa paglaban sa korapsyon. Parehong rating din ang natanggap ng Customs noong 2013 survey. Noong 2012 naman bahagyang nakabawi ang ahensya sa rating pero -45 pa rin o ‘bad’ ang nakuha nito.

Kasama ng BOC sa top 5 na pinaka-corrupt na ahensya ng pamahalaan ay ang Philippine National Police (PNP), Department of Public Works and Highways (DPWH), House of Representatives at Land Transportation Office (LTO).

Sa isinagawang survey, ang mga ahensya ng pamahalaan ay pinabigyan ng grado. Pinapili ang mga respondents na pawang nasa sangay ng pagnenegosyo sa mga sumusunod na grado: Excellent (+70 and above), Very Good (net +50 to +69), Good (+30 to +49), Moderate (+10 to +29), Neutral (-9 to +9), Poor (-10 to -29), Bad (-30 to -49), Very Bad (-50 to -69), at Execrable (-70 and below).

Ang iba pang ahensya ng gobyerno na nakakuha ng mababang grado ay ang Office of the President, Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Interior and Local Government (DILG).
Bahagya namang gumanda ang nakuhang grado ng Sandiganbayan, Ombudsman at Commission on Audit na mula sa dating rating na ‘medium’ ay nakakuha ngayon ng ‘good’. Tumaas din ang rating ng Bureau of Internal Revenue (BIR) mula sa ‘poor’ ay naging ‘neutral’.

Sa kabila ng pananatili ng korapsyon sa maraming ahensya ng gobyerno, lumitaw sa parehong survey na bumaba ng 32% ang insidente ng korapsyon sa buong bansa.

Nasa 64% din ang nagsabing kuntento sila sa ginagawa ng pamahalaan na maipromote ang ‘good business climate’ sa Pilipinas habang 72% ang nagbigay ng good hanggang excellent na expectations sa pagnenegosyo sa bansa sa susunod na dalawang taon.

Read more...