Coffee shop ng brodkaster na si Anthony Taberna, pinaulanan ng bala

CCTV capturedPinagbabaril ng dalawang lalaki ang coffee shop sa kahabaan ng Visayas Avenue sa Quezon City na pag-aari ng broadcaster ng ABS-CBN na si Anthony Taberna.

Ayon kay Taberna, bago mag alas dos ng madaling araw kanina nang paulanan ng bala ang Ka Tunying’s Café na nagresulta sa pagkabasag ng mga glass panel ng establisyimento.

Sinabi ni Taberna na dalawang magazine ang inubos ng mga namaril sa kaniyang coffee shop. Apat aniya ang suspek, dalawa ang namamaril at ang dalawa ay nakasakay sa motorsiklo na ginamit ng mga suspek sa pagtakas.

Wala namang nasaktan sa insidente dahil sarado ang coffee shop nang gawin ang pamamaril.

Kuha ni Den Macaranas

Nakuhanan ng CCTV sa lugar ang ginawang pamamaril. Sa kuha ng CCTV, nakita ang dalawang lalaki na kapwa may hawak na baril at nagpapaulan ng bala sa coffee shop ni Taberna, habang ang dalawa ang nagmamaneho sa dalawang motorsiklo na ginamit na getaway vehicle.

Ayon kay Taberna, posibleng may kinalaman sa ‘nature’ ng kaniyang trabaho bilang isang broadcaster ang naganap na pamamaril. “Sa motibo, hindi ako makapag-speculate. Ang business motive, malabo kasi kakaumpisa pa lang nitong negosyo na ‘to. Lahat naman ng anggulo pwedeng tingnan, siguro nga e occupational hazard po natin ito,” ayon kay Taberna sa panayam ng Radyo Inquirer.

Hindi rin iniisip ni Taberna na may kinalaman sa isyu sa Iglesia ni Cristo ang nangyaring pamamaril. Si Taberna ay miyembro ng INC at pamangkin ni Isaias Samson Jr., na isa sa mga ministrong natiwalag. “: I don’t think so, wala kaming kaugnayan (ni Samson) maliban sa pagiging magkadugo namin,” dagdag pa ni Taberna.

Dahil sa insidente, sinabi ni Taberna na magdaradag siya ng seguridad para na rin sa kaligtasan ng kaniyang pamilya.

Read more...