Nanawagan ang Department of Labor and Employment sa huling pagkakataon sa mga undocumented Overseas Filipino Workers sa Saudi Arabia na mag-aplay na para sa amnestiya na ibinibigay ng gobyerno doon.
Magtatapos na kasi bukas, June 29, ang amnesty program ng Saudi government na sinumulang ipatupad noong Marso nitong taon.
Ayon kay Labor Usec. Dominador Say, mahalaga na maiproseso ang travel document ng mga OFW bago pa simulan ng mga otoridad sa Saudi ang crackdown o paghuli sa mga dayuhan na iligal na nananatili sa kanilang bansa.
Natanggap daw kasi sila ng impormasyon na may ilang OFW pa rin sa Saudi Arabia ang hindi nagparehistro para sa amnestiya at binalewala ang pagkakataong ibinigay ng gobyerno doon.
Paliwanag ng opisyal, iyon lamang mga Pinoy na nag-aplay para sa amnestiya ang maipoproseso ng embahada ng ating bansa sa Saudi Arabia para sila ay makauwi.
Paaalala pa ng DOLE, ang mga OFW na naisyuhan na ng exit visa pero nananatili pa rin sa Saudi ay maari pa ring arestuhin sa oras na matapos ang amnesty period.
Sa ngayon nasa 5,176 undocumented OFWs sa Saudi Arabia pa lamang sa kabuuang 12,000 OFWs doon ang napabilang sa repatriation ng Department of Foreign Affairs.