Idedemanda ni House Minority Leader Rodolfo Fariñas ang buong Sangguniang Panlalawigan ng Ilocos Norte matapos ideklara siyang ‘persona non grata’ ng mga ito.
Inilabas ng Sanggunian ang resolusyon makaraang idetine ng Kongreso ang anim na opisyal na lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte dahil umano sa pagkabigo ng mga ito na masagot ang mga katanungan sa ukol sa umano’y maling paggamit ng tobacco funds ng lalawigan.
Sinabi ni Fariñas na kinatawan ng Ilocos Norte, na iligal ang ideklara siya bilang ‘persona non grata’ ng Sanggunian dahil ginagamit lamang ito sa mga dayuhan.
Giit nito, isa siyang Pilipino at isang halal na kinatawan ng Ilocos Norte kaya’t walang sinuman ang maaring magsabi na isa siyang ‘persona non grata’.
Dahil aniya dito, kanyang sasampahan ng reklamong graft ang walong miyembro ng Sanggunian.
Hihingi rin ito ng danyos dahil sa paninira umano sa kanyang pagkatao ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.