Sinisilip na ng economic team ng Duterte administration ang posibilidad na ipag-utos na sa mga bangko na kuhanan ng mga biometric data ang kanilang mga kliyente.
Ito ay upang madagdagan pa ang lebel ng seguridad at proteksyunan ang mga bank clients sa gitna ng tumataas na mga insidente ng hacking at data theft sa iba’t ibang sektor sa kasalukuyan.
Ayon kay Nestor Espenilla Jr., deputy governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas, kanya nang nakausap ang mga kinatawan ng Bankers Association of the Philippines at kanila nang natalakay ang naturang isyu.
Gayunman, mas mapapalakas aniya ang panukala kung magkakaroon ng Executive Order ukol dito.
Bukod dito, nakatakda na ring maglabas ng enhanced information security guidelines ang BSP na mapaigting ang information security ng mga bangko upang maprotektahan ang kanilang mga kliyente.
Payo rin ni Espenilla sa mga bangko, hindi dapat balewalain ang mga alituntunin ukol sa paglalagay ng dagdag na security measures upang hindi malagay sa alanganin ang impromasyon ng mga kliyente sa oras na magkaroon ng cyberattack o hacking.