Ito ang nakuhang impormasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) mula sa mga sibilyang kanilang naililigtas na pawang naipit sa nagpapatuloy na bakbakan.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni AFP Public Affairs Office chief, Col. Edgard Arevalo na ang ibang bihag ay ginagamit na bilang ‘combatant’ ng mga Maute.
Ilan umano sa mga bihag ang pinagbubuhat ng magazines at mga baril, pinaglo-load ng bala at ang iba, inuutusan pang magpaputok ng mga baril sa mga sundalo.
Ang hakbang na ito ayon sa Sandatahang Lakas ay patunay na pakonti na talaga ang pwersa ng kalaban at paliit ng paliit ang kanilang ginagalawan.
Kinondena naman ni Arevalo ang ginagawang ito ng Maute group sa kanilang mga inosenteng bihag.
Kahapon ay sinabi ng AFP na nagkakaroon ng kaguluhan sa grupo ng Maute sa isyu ng liderato.
Marami din umano sa mga miyembro nito ang gusto nang kumalas at makalabas ng Marawi.