COMELEC, umapela na ng desisyon sa Kongreso tungkol sa barangay at SK elections

Nananawagan ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga mambabatas na aksyunan na sa susunod na buwan ang mga panukala tungkol sa pagpapaliban ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Paliwanag ni COMELEC Chair Andres Bautista, ipapatupad lang naman nila kung anumang batas ang maipapasa kaugnay ng panukalang botohan sa Oktubre.

Aniya, susundin naman nila kung anuman ang magiging desisyon ng mga mambabatas pero sana ay mailabas na ito sa buwan ng Hulyo.

Sa ganitong paraan kasi aniya ay hindi na sila magaaksaya pa ng pondo ng bayan para sa mga paghahanda sa halalan na baka ipagpaliban din lang.

Sa ngayon kasi ay may isang panukala sa Senado na nais ipagpaliban ng October 2018 ang botohan, habang ang panukala naman sa Kamara ay iurong ito ng May 2020.

Una nang sinabi ni Bautista na kung ito man ay ipagpapaliban, hindi dapat ito itakda sa petsa malapit sa May 2019 midterm elections.

Read more...