Narekober ang 159 piraso ng bala sa Mandaluyong City mula sa isang package ng mga donasyon na ipadadala sana sa Marawi City.
Pinaghahanap na ngayon ang isang AJ Salvani Cubarrubia na itinuturong nagbigay ng nasabing relief goods.
Ayon kay Eastern Police District Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula, isang Mohaimen Mutalib ang naka-diskubre ng package mula umano kay Cubarrubia.
Sinasabing si Mutalib ang organizer ng paglilikom ng relief goods na ipadadala sa Marawi kaya nasa kanyang condominium sa Reliance Street ipinadadala ang mga donasyon.
Mismong si Mutalib ang nagreport sa mga otoridad ng mga nadiskubreng bala na nakalagay sa isang bilog na kahon at natatabunan ng mga damit.
Bukod sa 159 na piraso ng bala para sa 9mm na baril, nakuha rin ang isang magasin, gun holster, at mga gamit sa paglilinis ng baril.
Inaalam pa naman ngayon kung may kasama pa ang mga natagpuang mga bala na ipadadala sana sa war zone sa Marawi City. /