Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Coast Guard Commander Armand Balilo na bitbit ng tatlong hindi pa pinangalanang lalaki ang P30 milyon.
Ang kaduda-duda pa ayon kay Balilo ay sa apat na Styrofoam box inilagay ang mga pera.
Pasakay sana ng barko at patungong Cebu ang mga pasahero.
Nagpakilala umano silang empleyado ng isang bangko at ngayon ay sumasailalim sa imbestigasyon sa Cagayan de Oro City.
Sinabi ni Balilo na kung may sapat na dokumento at mapapatunayang balido ang kanilang pagbiyahe, pakakawalan din naman agad ang tatlo.
Kinakailangan lang aniya silang pigilin bunsod ng kaduda-dudang pamamaraan nila ng pagbiyahe ng malaking halaga ng pera, lalo’t naghihigpit ngayon ang mga otoridad dahil sa kaganapan sa Marawi City.