Zero-Remittance Day ng mga OFW’s, tuloy ngayong Biyernes, August 28

AP photo

“Hinding-hindi kami mapipigilan!”

Tinatayang mawawala ang halos P3 bilyon na inaasahan ng gobyerno mula sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), mula ng ikasa nila ang protesta kontra Bureau of Customs (BOC).

Ito ay matapos ang naunang panukala ng nasabing ahensya na magsasagawa sila ng random inspection sa mga dumarating na kahun-kahon na balikbayan boxes.

Tinatayang nasa 1.6 milyong mga OFWs ang inaasahang makikisa ngayong Biyernes, sa tinaguriang araw na walang magpapadala mula sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.

Ayon kay Senator Francis Escudero, tumaas ng 6.2 porsyento ang bilang ng mga naipapadalang remittance, o halagang US$12.7 billion, mula sa US$11.9 billion noong nakaraang taon, sa unang kalahating taon ng 2015.

Humigit kumulang naman sa P2 bilyon kada buwan ang kabuuang remittance na natatanggap ng pamahalaan, ayon sa tala mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.

Tuluy na tuloy na ang plano ng mga kapamilya sa ibang bansa, sa kabila nang naunang desisyon na ni Pangulong Aquino, na ibasura ang panukala ng Customs na magsagawa ng random inspection sa lahat ng balikbayan boxes.

Ngunit, ayon kay Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr., wala namang direktang epekto sa ekonomiya ang isasagawang Non-remittance day ngayong araw, katulad na lamang ng nangyari, dalawang taon na ang nakakaraan.

Aniya, kung yon ang pagbabantayan, ay walang dapat ikabahala.

Ngunit iginiit ni Escudero na malaki ang papel ng mga OFWs sa ekonomiya ng bansa.

Sinabi ng senador na may malaking kontribusyon ang OFW sa ekonomiya, kaya hindi niya maunawaan kung bakit target ng BOC ang mga kapamilya sa ibang bansa para sa kanilang anti-smuggling campaign.

Aniya, hindi dapat ganito tratuhin ang mga bagong bayani ng kasalukuyang panahon, kaya hindi niya sinusuportahan ang pisikal na inspeksyon ng mga personal na balikbayan boxes na ipinapadala sa bansa.

Pinamunuan ni Escudero noon ang Senate Committee on Finance, kaya hinihikayat niya na gamitin ng BOC sa tamang paraan ang budget na P540 milyon para sa kampanya kontra smuggling.

Sa ilalim ng 2015 General Appropriations Act, kinakailangang maingat at epektibo ang kanilang aksyon, kasama na ang paggamit ng digital x-ray scanners, K-9 dogs, CCTV cameras, training sa mga customs personnel, at iba pang magagawa kontra smuggling.

Read more...