Sa pahayag ni US Secretary of State Rex Tillerson, sinabi niyang ang magiging produktibong hakbang para sa bawat isa sa mga bansa ay ang magtipon-tipon at pag-usapan ang isyu.
Aniya, naniniwala silang ang kanilang mga kaalyado ay magiging mas matatag kung magtutulungan patungo sa iisang layunin, at ito ay ang puksain ang terorismo.
Kamakailan ay nagbigay ang Saudi Arabia, Egypt, Bahrain at United Arab Emirates ng isang 13-point na list of demands para sa Qatar.
Mistulang layunin ng naturang listahan ang buwagin ang dalawang dekada nang ipinatutupad na interventionist foreign policy ng Qatar na kanilang ikinagagalit.
Sa ngayon ay tumutulong na rin ang Kuwait na pumapagitan na sa pag-uusap ng mga bansa.
Nangako naman si Tillerson na mananatili ang relasyon ng Estados Unidos sa bawat bansang sangkot sa isyu.
Matatandaang kamakailan ay nagpatupad ng boycott ang mga nasabing Arab countries laban sa Qatar, dahil sa umano’y pagsuporta ng Qatar sa terorismo.