Pagsusumite ng draft BBL, muling naurong

Muling naipagpaliban ang pormal na pagsusumite ng Bangsamoro Transition Commission (BTC) ng bagong draft ng Bangsamoro Basic Law (BBL).

Nakatakda sana itong maisumite sa June 28, ngunit ipinaliwanag ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na hindi available sa petsang iyon sina House Speaker Pantaleon Alvarez at Senate President Koko Pimentel.

Dahil dito, pansamantala munang naurong ang pagsusumite ng draft law sa July 10.

Ayon sa MILF, sina Pimentel at Alvarez ang dalawa sa pinakamahalagang mga mambabatas na kakailanganin para sa pag-pasa ng BBL sa Kongreso.

Umaasa naman si MILF vice chairman Ghadzali Jaafar na ieendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) sa July 24 ang BBL draft bilang isang priority measure.

Unang itinakda ito noong June 1, ngunit hindi pa handa ang BTC kaya iminungkahi ni Jaafar sa kanilang pakikipagpulong kay Duterte na iurong ito ng June 14 at 15.

Gayunman, sinabi ng Office of the President na walang concurrence sa mga nasabing petsa, kaya itinakda na lang ito sa June 28 na mauurong rin pala ng July 10.

Ayon sa MILF, para sa mga ordinaryong Moro ay hindi maganda ang pahiwatig ng patuloy na pagkakaantala nito, pero ang gobyerno pa rin naman talaga ang may hawak ng desisyon.

Sa kaniyang mensahe para sa Eid’l Fitr, hinimok ni MILF cheif Murad Ebrahim ang Bangsamoro na habaan pa ang kanilang pasensya dahil magiging mabagal talaga ang naturang proseso.

Nangako naman si Ebrahim na hindi nila aabandunahin ang mga lehitimong hangarin ng mga tao ng Bangsamoro.

Read more...