“Kapayapaan sa Mindanao”
Ito ang laman ng panalangin ng karamihan sa mga Muslim nating kababayan sa pagdiriwang ng Eid Al-Fitr o pagtatapos ng buwan ng Ramadan.
Ayon kay Ali Montaha Babao, na galing Marawi, at miyembro ng Filipino-Muslim Community, sana ay mawakasan na ang kaguluhan sa Mindanao partikular na sa Marawi City kung saan mayroong sagupaan sa pwersa ng pamahalaan at ng mga rebeldeng grupo.
Kapareho rin ang hiling ni Faidah Abaton, na galing din ng Marawi.
Bilang isang ina, may anak rin siya na naiwan sa siyudad at pinangagambahan niya rin ang buhay ng pamilya niya doon.
Para naman kay Jhamil Maamor na tubong Iligan, sana ay magkaroon na ng pagkakaisa at matapos na ang mga pagbubuwis ng buhay.
Kanina sama-samang ipinagdiwang ng mga kababayan nating Muslim ang Eid’l Fitr o pagtatapos ng Ramadan kung saan madaling araw pa lamang ay nagtipon na sila sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Nagsagawa ang mga ito ng congregation of prayer bilang pasasalamat na natapos na ang isang buwan na pag-aayuno.
Nabatid na itinuturing na pinakamataas na pagdiriwang ang Eid’l Fitr dahil dito makikita ang pagpapatawad at pagkakaisa na dapat isabuhay ng isang totoong Muslim.