Naging mapayapa sa pangkalahatan ang pagdiriwang ng Eid’l Fitr o ang pagtatapos ng Ramadan ng mga Muslim ngayong araw.
Ayon kay Manila Police District spokesman Supt. Erwin Margarejo, “peaceful and successful” ang naging selebrasyon ng Eid’l Fitr sa Metro Manila kung saan nasa 500 pulis ang kanilang ipinakalat para magbigay seguridad.
Kanina, partikular sa Quirino Grandstand sa Maynila, ipinakalat ang mga pulis
Nagkaroon din ng Special Reaction Unit sa lugar habang mayroon ding Advance Command Post at karagdagang traffic personnel para magmando ng trapiko.
Una nito, siniguro ni Margarejo, na wala silang namomonitor na banta sa seguridad.
Wala rin aniya silang nakukuhang impormasyon na nasa Quiapo na ang mga miyembro ng Maute Group na ngayon ay naghahasik ng kaguluhan sa Marawi City.
Ang Eid-al-Fitr ay isang importanteng selebrasyon at pagtitipon ng mga Muslim bilang tanda ng pagtatapos ng isang buwang Ramadan na tradisyunal na inoobserbahan ng mga Muslim.
Una nang nagdeklara ng public holiday ang Malakanyang sa panahon ng “Pagwawakas ng Ramadan” o Eid-al-Fitr na siya ring pagtatapos ng pag-aayuno ng mga Muslim.