Iginiit ng Malakanyang at Armed Forces of the Philippines na walang kuneksyon ang pag-atake ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Pigcawayan, North Cotabato sa nagpapatuloy na gyera sa Marawi City.
Ayon kay presidential spokesman Ernesto Abella, tinangka ng BIFF na makabawi sa halos 2 linggong operasyon ng 6th Infantry Division ng militar sa lugar.
Ani Brig. Gen. Gilbert Gapay, Armed Forces Eastern Mindanao Command deputy commander, desperadong aksyon ito ng BIFF dahil sa nararamdamang pwersa ng gobyerno sa North Cotabato.
Bagaman umamin ang BIFF at Maute group ng pakikipag-alyansa sa international terrorist group na Islamic State o ISIS noong 2015, wala aniyang indikasyon na konektado ang insidente sa Barangay Malagkit sa kaguluhan sa Marawi City.
Samantala, hindi isinasantabi ng mga awtoridad ang banta ng BIFF na pag-atake sa Davao City upang maghiganti sa pagkamatay ng ilang rebelde sa pakikipag-sagupa kontra militar.