Pag-usad ng Maguindanao Massacre case, maaaring maapektuhan kung magkakaroon ng bagong hukom-CJ Sereno

INQUIRER PHOTO

Aminado si Chief Justice Maria Lourdes Sereno na maaring maantala ang pag-usad ng Maguindanao Massacre case.

Iyan ay kung may bagong hukom na hahawak ng kaso.

Si Quezon City RTC Branch 221 Judge Jocelyn Solis Reyes na may hawak ng kaso ng Maguindanao Massacre ay kasama kasi sa shortlist na pagpipilian ni Pangulong Aquino para sa itatalaga sa Court of Appeals.

Sa kabilang dako ay sinabi naman ng Punong Mahistrado na inihinto na ng prosekusyon ang kanilang pag-presinta ng mga bagong testigo.

Ito’y dahil noon lamang Ika-26 ng Agosto ng taong kasalukuyan ay Isandaan Pitumput’limang testigo na ang naipresinta nila sa hukuman.

Tanging si dating Mayor Datu Unsay Andal Ampatuan Jr. na lamang aniya, bilang isa sa mga pangunahing akusado ang hindi nakapaglalahad ng kanyang testigo.

Una nang inilahad ni Sereno sa dating mga panayam sa kanya ng media na natutuwa siya sa bumibilis na pag-usad ng Maguindanao Massacre case.

Subalit, aminado rin ang Punong Mahistrado na dahil sa dami ng mga dapat himayin na testimonya ng mga testigo,kapwa mula sa hanay ng prosekusyon at depensa ay talagang matatagalan pa ang pagdedesisyon sa kaso.

Matatandaang limamput’walo katao ang nasawi sa maturing karumal-dumal na masaker na naganap nuong Nobyembre ng 2009, kung saan tatlumput’dalawa sa mga biktima ay pawang mamamahayag./Ricky Brozas

Read more...