Makakaranas ang malaking bahagi ng Baguio City at siyam na lugar sa Benguet at Mt. Province ng 12-hour power interruption sa Biyernes, August 28.
Ito ay upang magbigay daan sa National Grid Corporation of the Philippines o NGCP at mga local power distributors na magkumpuni ng kanilang mga nasirang substations sa naturang mga lugar.
Inanunsiyo ng Benguet Electric Cooperative o BENECO na mawawalan ng kuryente ang ilang bayan sa Benguet tulad ng Atok, Tublay, Kapangan, Kibungan, Bokod, Kabayan, Bakun, Buguias at Mankayan mula ala-6:00 ng umaga hanggang ala-6:00 ng gabi.
Ang ilang bahagi naman ng Baguio City ay makakaranas din ng power interrruption sa parehong oras.
Samantala, nag-abiso rin ang NGCP na ang lahat ng sineserbisyuhan ng Mt. Province Electric cooperative o MOPRECO ay makakaranas din ng 12-hour power interruption sa Biyernes.
Nagpa-alala ang NGCP sa mga maapektuhan na paghandaan ang naturang power interruption./ Jen Pastrana