Paliwanag ni Lorenzana, technical assistance lamang ang ibibigay na tulong ng Australia sa Pilipinas para labanan ang ISIS linked na Maute Group sa Marawi City.
Dagdag ni Lorenzana, tinanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang alok na tulong ng Australia. Agad namang nilinaw ni Lorenzana na hindi kinakailangan na isama ang mga Australyanong sundalo sa mga Pilipinong sundalo oras na gamitin na ang dalawang bagong surveillance aircraft.
Naniniwala si Lorenzana na malaking tulong sa airborne surveillance ng AFP ang dalawang bagong eroplano ng Australia.
Samantala, hindi pa agad na magagamit ng militar sa opensiba laban sa Maute group sa Marawi ang naturang intelligence gathering aircraft na galing sa Australia.
Ayon kay Brigadier General Gilbert Gapay, tagapagsalita ng Eastern Mindanao Martial Law Implementation, ito ay dahil sa under negotiation pa ang alok na tulong ng Australia sa Pilipinas.
Dagdag ni Gapay, malaking tulong sa kanilang hanay ang surveillance aircraft ng Australia.
Hindi lang aniya sa Marawi gagamitin ang naturang mga eroplano kundi maging sa iba pang bahagi ng Mindanao region.
Gayunman, aminado si Gapay na hindi niya mabatid kung kailan darating sa bansa ang mga surveillance aircraft ng Australia.