“Wait” yan ang maikling sagot ng Punong Mahistrado sa tanong tungkol sa naging pasya sa petition for bail ni Senator Juan Ponce Enrile.
Hindi pa pinal ang desisyon ng Korte Suprema sa kaso ni Senador Juan Ponce Enrile na pinayagan ng hukuman na makapagpyansa sa kinakaharap na kasong plunder.
Ayon kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, maari pang maghain ng apela o mosyon sa desisyon.
Kaugnay naman ng matinding iringan sa pagitan ni Justice Lucas Bersamin at Justice Marvic Leonen, sinabi ni Sereno na ang hindi pagkakaunawaan sa opinyon ay normal na bahagi lamang ng kanilang trabaho.
Sinabi ni Sereno, bawat isa sa kanila ay may sariling mga boto at pananaw sa mga isyu at hindi malayo ang mga “sharp response” o maanghang na tugon sa bawat isa.
Ilan pa sa mga malalaking kaso na naungkat ay ang tungkol sa nakabinbin na Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA sa pagitan ng Pilipinas at Amerika, pero tugon ni Sereno, hindi niya maaring pangunahan ang korte sa kaso.
Naungkat sa gitna ng pulong balitaan ang tungkol sa impluwensya ni Sereno sa mga kapwa mahistrado.
Ilan kasi sa mga malalaking kaso na pinagbotohan o napagpasyahan ng Korte Suprema, kapansin-pansin na nasa minorya si Sereno, gaya ng kaso ng Torre De Manila, kung saan pumanig si Sereno sa kampo ng mga nagsusulong na magdaos muna ng oral argument bago desisyunan kung dapat bang pigilin ang pagpapatuloy ng konstruksyon.
Pero ayon kay Sereno, ang papel ng punong mahistrado ay malinaw, at iyan ay ang bumoto sa kaso nang malaya o independent batay sa kanyang kunsensya, siya man ay mapabilang sa minorya o mayorya.
Naging mailap si Sereno sa pagbibigay ng karagdagan pang komento sa naging pasya ng SC sa petition for bail ni Enrile./Ricky Brozas