Duterte at Widodo nagpulong ukol sa terorismo

Inquirer file photo

Nagka-usap na sina Pangulong Rodrigo Duterte at Indonesian President Joko Widodo kagabi.

Sa briefing sa Malakanyang, kinumpirma ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na pasado alas syete ng gabi nang tanggapin ni Duterte ang phone call ni Widodo.

Ayon kay Abella, napag-usapan ng dalawang lider ang pangangailangan ng Pilipinas at Indonesia na palakasin pa ang kampanya laban sa terorismo.

Sinabi ni Abella na kapwa naniniwala sina Duterte at Widodo na napapanahon na ang trilateral maritime agreements sa pagitan ng Pilipinas, Indonesia at Malaysia upang mabantayan ang kanya-kanyang karagatan kontra sa pagpasok ng potensiyal na mga terorista.

Dagdag nito, mismong si Widodo ang nagpaabot kay Duterte ng committment na suportahan ang Pilipinas na maibalik ang kapayapaan at kaayusan partikular sa Mindanao region.

Hindi naman binanggit ni Abella kung napag-usapan ng dalawang lider ang presensya at pagsama umano ng ilang Indonesian nationals sa Maute terror group na naghahasik ng lagim sa Marawi City.

Wala ring ibinigay na detalye si Abella kung gaano katagal phone conversation nina Duterte at Widodo.

Read more...