Pag-downgrade sa kaso ng pagpatay kay Mayor Rolando Espinosa Sr., utos ni Duterte ayon kay Trillanes

Idiniin ni Senador Antonio Trillanes IV si Pangulong Rodrigo Duterte na siyang nag-utos kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na ibaba ang kasong murder patungong homicide laban kay P/Supt. Marvin Marcos at iba pang pulis na sangkot sa pagpatay kay Mayor Rolando Espinosa Sr.

Sa isinagawang “Kapihan sa Senado”, iginiit ni Trillanes na narelieve sina Supt. Marcos bilang hepe ng CIDG Region 8 bago naganap ang pamamaslang kay Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa.

Pero lumabas sa pagdinig sa senado na kinausap ni Bong Go si PNP Chief Police Director General Ronald Dela Rosa at pina-reinstate sina Marcos at mga tauhan nito sa CIDG Region 8.

Paliwanag ni Trillanes na kaya pinabalik sa pwesto sila Marcos dahil sa misyon na paslangin si Mayor Espinosa sa piitan.

Maliban dito, ipinunto ni Trillanes na magpapatunay dito ang naging pahayag ni Pangulong Duterte na hindi makukulong ang grupo ni Marcos sa pagpaslang kay Espinosa.

Dahil dito ani Trillanes dapat lamang na humarap si Aguirre sa pagdinig sa senado upang sagutin ang tunay na dahilan ng pag-downgrade sa Espinosa case.

Samantala, inakusahan din ni Trillanes si Marcos na nasa likod naman ng extrajudicial killings sa bansa.

Ayon kay Trillanes, parang grupo umano nina Arturo Lascañas at Sonny Buenaventura sa Davao na mayroon organisasyon sa loob ng isang organisasyon na nag-ooperate ang grupo sina Marcos.

Pinangalanan din ni Trillanes ang isang Supt. Leonardo ng PNP na namumuno umano sa Presidential Death Squad na umano’y malapit sa anak ng Duterte na si Davao Vice Mayor Paolo Duterte.

Ito umano ang nakikitang dahilan ni Trillanes kung kaya pinababa mula sa murder pababa ng homicide ang kaso nina Marcos at 18 iba.

 

 

 

 

Read more...