Humingi na ng saklolo sa Kamara ang pamunuan ang iba’t ibang State Universities and Colleges o SUCs upang mapigil ang malaking kaltas sa kanilang pondo para sa 2016.
Labingisang opisyal ng mga SUC ang lumagda sa isang “unity statement” na umaapela sa mga Kongresista para maibalik ang tinapyas na alokasyon sa kanila ng Department of Budget and Management o DBM.
Kasama sa mga pumirma sa unity statement ang mga Presidente ng Rizal Technological University, Polytechnic University of the Philippines, Technological University of the Philippines, Mindanao State University at iba pang mga opisyal.
Daing nila, patuloy na bumabagsak ang kalidad ng tertiary education sa Pilipinas dahil sa labis na kakulangan ng pondo.
Hamon ng SUC’s officials sa mga Mambabatas, tuparin ang kanilang mandato na bigyan ng sapat na alokasyon ang education sector.
Umapela rin ang mga ito sa buong education community na magkaisa at magtulong-tulong para ipaglaban ang tamang budget para sa kanilang sektor at maipagkaloob sa mga Kabataang Pilipino ang de-kalidad na edukasyon./Isa Avendaño-Umali