De Lima, walang special treatment sa kaso laban sa Sanggunian ng INC

 

Inquirer file photo

Kinundina ng kampo ng itiniwalag na kasapi ng Iglesia ni Cristo at dating ministro na si Isaias Samson Jr. ang naging aksyon anila ng mga miyembro ng Sanggunian kaugnay sa inihain nilang reklamo sa Department of Justice.

Ito ay matapos magsagawa ng protesta ang libu-libong kasapi ng INC ngayong araw sa tanggapan ng Department of Justice dahil sa umano ay paborableng treatment ni Sec. Leila De Lima sa paghawak ng reklamo ni Samson laban sa Sanggunian ng INC.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ng abogado ni Samson na si Atty. Trixie Angeles na walang special treatment na ginagawa ang DOJ sa reklamong inihain ng kanilang kliyente laban sa INC.

“Paano nila masasabing may favoritism o may pabor na treatment ang Secretary of Justice o ang DOJ man lang, samantalang katatanggap pa lang nila nung complaint, wala pang na-aassign na prosecutor, wala pang galaw.” pahayag ni Angeles.

Sa katunayan aniya, kinulang pa sila ng kopya sa paghahain ng reklamo at kamakailan lang nila ito nakumpleto.

Itinanggi din ni Angeles ang alegasyon na mismong si De Lima pa ang tumanggap sa kanilang reklamo.

Wala aniya sa tanggapan ng DOJ ang kalihim nang maghain ang kanilang kampo ng reklamo dahil nasa Malacañang ito.

Dagdag pa ni Angeles, kaya lang aniya nasasabi ng mga kasapi sa INC ang mga akusasyon laban sa kanilang reklamo ay dahil takot ang mga ito na walang maisagot.

Hinamon din ni Angeles na maglabas ng ebidensya ang mga ito at maghain sa Ombudsman laban kay De Lima kung may nakikita silang iregular na hakbang o pasya sa galaw ni De Lima.

“Nakikita namin na kaya lang nila sinasabi ito natatakot sila, natatakot sila dahil wala silang ipangsasagot dun sa reklamo namin. Kung sana meron silang depensa, kung sana meron talaga silang hinala na meron pakikialam sa kaso na ito, maghanda sila ng ebidensya.” ani Angeles

Matatandaang isa si Samson sa mga ministro na umano ay ikinulong ng samahan dahil sa mga impormasyon nito ng umano’y katiwalian sa INC./Mariel Cruz

 

Read more...