Nagpapasalamat ang Armed Forces of the Philippines o AFP kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagpapahiram nito ng presidential plane sa mga sugatang sundalo.
Kagabi, mismong si Duterte ang sumama para ihatid ang siyam na sugatang sundalo mula sa Camp Edilberto Evangelista station hospital sa Cagayan de Oro patungong Maynila.
Sakay sila ng F-28 presidential jet/aircraft, na laan sa mga biyahe ng pangulo para maging ambulance aircraft.
Sa Mindanao hour briefing, sinabi ni AFP Spokesperson Brig. General Restituto Padilla na sa ngalan ni AFP Chief of Staff Eduardo Año at lahat ng mga sugatang sundalo na dinala sa Maynila ay nagpapasalamat sila sa presidente.
Ani Padilla, tinutupad ng punong ehekutibo ang kanyang pangako sa mga sundalo.
Matatandaan na sinabi ni Duterte na gagawin na lamang na ambulance plane ang presidential jet upang mabilis na maibiyahe ang mga sundalong nasusugatan tuwing may bakbakan.
Mula’t sapul ay hayagan si Duterte sa kanyang pagsuporta sa buong sandatahang lakas at kabi-kabila rin ang kanyang pagdalaw sa mga kampo-militar.