Hinigpitan ng Bureau of Immigration (BI) ang pagsasala sa mga dayuhang pasahero na pumamasok sa bansa para mapigilan ang pagpasok ng ‘Foreign Jihadists’.
Inatasan ni BI Commissioner Jaime Morente ang lahat ng immigration officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang ports of entry sa buong bansa na maging mas istrikto at maging maingat sa pagpasok ng mga dayuhan.
Ito ay matapos aniya ang ulat na mayroong mga dayuhang terorista na kasamang nakikipagbakbakan sa Marawi City.
Inatasan din ni Morente si BI Port Operations Division Chief Marc Red Mariñas na magtalaga ng intelligence agents mula sa kanilang Border Control and Intelligence Unit (BCIU) sa mga paliparan para bantayan ang mga kahina-hinalang dayuhan.
Partikular na pinatututukan ang mga dayuhang pasahero na galing sa mga bansa na mayroong presensya ng foreign jihadists.
Ang mga makikitaan ng kwestyunableng dokumento ay hindi papayagang makapasok ng bansa.
Sa ngayon sinabi ni Morente na hawak ng BI ang listahan ng libo-libong pangalan ng mga hinihinalang international terrorists na mula sa iba’t ibang law enforcement at intelligence agencies sa Pilipinas at ibang bansa.