Pansamantalang tinanggal sa puwesto ni Northern Police District Director Chief Supt. Roberto Fajardo si Chief Inspector Jowilouie Bilaro, ang police intelligence officer na nakatalaga sa Valenzuela City PNP na umano’y naglabas ng memo na nagsasabing magsasagawa ng pambobomba ang Maute group sa ilang malls sa Metro Manila.
Ayon kay Fajardo, administrative relief na muna ang ipinataw kay Bilaro habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang kanilang hanay.
Si Bilaro ang nakapirma sa kumakalat na memo sa social media na may petsang June 16 na naka-address sa lahat ng police community precinct commanders.
Pero ayon kay Fajardo, sakaling mapatunayan na walang kasalanan o pagkukulang sa tungkulin si Bilaro ay agad din itong ibabalik sa kanyang puwesto.
Sa ngayon, sinabi ni Fajardo na patuloy pang benepripika ng kanilang hanay ang naturang impormasyon kung kaya walang dapat na ikabahala ang publiko.