NFA, tiniyak na hindi kalat ang bentahan ng fake rice sa merkado

Kuha ni Mark Gene Makalalad

Tiniyak ng National Food Authority (NFA) na walang matibay na ebidensya na kumakalat na at ibinebenta na sa merkado ang mga pekeng bigas.

Ayon kay Rebecca Olarte, NFA Assistant for Public Affairs, regular ang monitoring nila at wala naman silang nakikitang problema sa merkado.

Apela ng ahensya sa publiko, iwasan na ang pagkakalat ng maling balita dahil nakakalikha lamang ito ng takot.

Nagbibay naman ng payo ang NFA sa kung paano malalaman ang kaibahan ng totoong bigas sa pekeng bigas.

Una, ang tunay na bigas ay may paumbok na bahagi ang butil at parang may kanal na nakaukit.

Pangalawa, magkakaiba ang hugis ng mga butil.

Pangatlo, oblique o patagilid na patusok ang hugis ng kabilang dulo nito.

Pang apat, wala itong kakaibang amoy kapag niluto.

At panglima wala itong foam-like substance sa ibabaw ng lutong kanin.

Una nang sinabi ng NFA na kukuha muna sila ng sample ng inirereklamong bigas para isailalim sa pagsusuri ng Food Development Center NFA.

Matatandaang batay sa reklamo, iba ang lasa ng bigas na nabili sa isang pamilihan at noong iluto na ay mahirap din nguyain dahil parang goma ito na sobrang kunat.

Bukod sa fake rice issue ngayong taon, noong 2015 ay napaulat din ang pagkalat ng pekeng bigas sa Tanauan, Batangas subalit matapos suriin ng NFA ay napag-alaman na hindi peke ang bigas.

May kumakalat din na video sa internet kung saan ipinakita na matapos lutuin ang pekeng bigas at binilog-bilog ito ay tumalbog nang ihulog sa sementadong sahig.

 


 

Read more...