Nakakalap ng halos P30,000 na donasyon ang 1,400 preso ng Cotabato Jail district matapos silang magsakripisyo ng isang meal upang makatulong sa evacuees na apektado ng bakbakan sa Marawi City.
Ayon kay jail warden Superintendent Simeon Dolojo, iniambag ng mga preso ang kanilang P20 na meal allowance bilang donasyon sa evacuees.
Sinabi ni Dolojo na kusang-loob na ginawa ito ng mga preso.
Aniya, dahil walang pera ang mga preso, pinili nilang huwag kumain ng isang beses, upang ang P20 na nakalaan para sa kanilang pagkain ay maidonate sa mga apektadong ng gulo sa Marawi.
Ang P30,000 na donasyon ay ipambibili ng bigas, noodles at canned goods para sa evacuees.
Dagdag ni Dolojo, nag-ambag din ng mga donasyon ang jail guards matapos ma-inspire sa ginawa ng mga preso.
Ipinaabot na ng Cotabato District Jail ang mga donasyon sa Bureau of Management and Penology sa Koronadal City.