Ito’y matapos ang pagsalakay ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Maasin, Iloilo at pagtangay sa mga armas ng mga pulis na nakadestino doon.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, chairman ng Senate Committee on Public Order, ang pagsalakay ng mga rebelde sa gitna ng peace talks ay indikasyon na hindi na kontrolado ng NDF ang kanilang armadong puwersa.
Dapat din aniyang maging malinaw muna kung talagang kontrolado pa ng CPP-NDF ang NPA bago isulong muli ang peace talks.
Samantala, sinabi naman ni Sen. JV Ejercito na hindi na dapat pang pagkatiwalaan ng gobyerno ang NDF dahil kahit nagkakaroon na ng usapan ay patuloy na sumasalakay sa iba’t ibang lugar ang NPA.
Tinawag naman na ‘opportunistic’ o pananamantala ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella ang ginawang pag-atake ng NPA dahil habang nagaganap ang opensiba ng militar sa Marawi laban sa Maute group ay sumalakay ang mga rebelde sa ibang lugar.
Matatandaang noong nakaraang araw ng Linggo, hindi bababa sa 50 mga rebelde na lulan ng mga truck ang bigla na lamang sumugod sa bayan ng Maasin, Iloilo at pinasok ang himpilan ng pulisya sa lugar.
Pinosasan umano ng mga ito ang mga nakatalagang pulis bago tinangay ang mga armas sa loob ng police station.
Dahil sa insidente, sinibak sa puwesto ng PNP ang mga pulis ng Maasin, dahil sa pagkabigong mapigil ang pagsalakay ng NPA sa kanilang Area of Responsibility.