Gumagamit rin ng makabagong paraan ang mga miyembro ng Maute group upang matiktikan ang mga sundalong patuloy na lumalapit sa kanilang nasasakupan sa Marawi City.
Ayon kay Lt. Col. Jo-ar Herrera, tagapagsalita ng 1st Infantry Division ng Army, gumagamit na rin ng mga ‘drones’ ang kanilang kalaban upang matukoy ang posisyon ng mga lumalapit na sundalo.
Ang mga uri ng drones aniya na ginagamit ng mga ito ay karaniwang mabibili sa mga mall at maaring gamitin ng kahit sino.
May ilang pagkakataon na aniyang napabagsak ng mga sundalo ang mga drone na ginagamit ng mga terorista habang nagsasagawa ng opensiba sa sentro ng Marawi.
Samantala, lalong lumakas aniya ang hinala ng militar na lango sa ipinagbabawal na droga ang mga Maute members dahil sa pagkakadiskubre ng kilu-kilong shabu kahapon sa isa sa mga tahanan sa lungsod.
Ang droga aniya ang nagtutulak umano sa mga ito na maging masidhi sa paglaban kahit napapalibutan na ng militar.
Sa pinakahuling tala, nasa 62 sundalo na ang nasasawi sa patuloy na bakbakan sa Marawi City.
Pinakahuling nadagdag sa bilang ang tatlong napaslang sa operasyon kontra Maute group nitong nakalipas na araw ng Linggo.