Magtutuluy-tuloy ang pagsugpo sa teroristang maute group kahit na bumoto ang Korte Suprema kontra sa legalidad ng idineklarang martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.
Ito ang tiniyak ni Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng AFP.
Ayon kay Padilla, isang matinding banta ang kinakaharap ng bansa dahil sa Maute group kaya’t hindi titigil ang gobyerno na labanan ang mga ito kahit walang martial law.
Kung sakali aniyang isantabi ng Korte Suprema ang martial law declaration, kakailanganin lamang ng militar ang suporta Pambansang Pulisya upang ipatupad ang pag-aresto sa mga terorista at kanilang mga taga-suporta.
Una rito, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa siyang alisin ang puwersa ng militar sa Marawi City kung idedeklarang unconstitutional ng Kataas-taasang Hukuman ang kanyang martial law declaration.