Nagsampa ng reklamo ang GMA Network sa National Telecommunications Commission o NTC kontra sa Cable Channel na Skycable na pag-aari ng ABS-CBN Corporation.
Ito ay kaugnay sa mga natanggap na mga reklamo ng GMA sa pamamagitan ng mga ‘tweets’ mula sa mga netizens partikular sa Bacolod at Iloilo na pagsasabotahe umano ng Skycable sa kanilang signal sa oras na umeere na ang programang ‘Eat Bulaga’.
Humihingi ng agarang aksyon sa NTC ang GMA sa pangunguna ng kanilang Senior Vice President for Engineering na si Engineer Elvis B. Ancheta at Vice President for Legal Affairs Lynn P. Delfin patungkol sa iresponsableng pagbibigay ng magandang serbisyo ng nasabing cable company sa kanilang mga subscribers.
Ayon pa sa naturang network, ang pagkawala ng signal sa oras ng tinaguriang ‘Number 1 noontime show’ ay paglabag sa section 6 ng Revised Rules and Regulations kaugnay sa mga Cable television system ng bansa.
Ang segment ng Eat Bulaga na ‘kalyeserye’ kung saan bida ang aktor na si Alden Richards at Maine Mendoza na mas kilala sa tambalang “AlDub” ay ang isa sa pinaka- inaabangan ng mga televiewers.
Ito rin ang nagpababa at lalong nagpagtaob sa ratings sa katapat nitong programa sa ABS-CBN na “It’s Showtime.”/ Jen Pastrana