Hawak na rin ngayon at isasailalim sa ballistic test ang Glock pistol na ginamit ni Vester Flaganan sa pagpatay sa Reporter na si Alison Parker at Cameraman na si Adam Ward.
Gustong tiyakin ng Federal government na walang kasabwat at hindi magkaroon ng public outrage ang kwento ng kasong kinasasangkutan ng suspect na si Flaganan.
Nauna nang lumabas sa imbestigasyon ng Federal Bureau of Investigation (FBI) na kinasuhan ni Flaganan ang kanyang dating employer na WTWC-TV noong taong 2000.
Isyu ng racial discrimination, sexual harassment at bullying ang mga reklamong isinampa nya laban sa naturang TV station pero hindi rin naman umusad ang kaso.
Noong 2013 ay sinibak sa WDBJ-7 si Flaganan bilang reporter dahil sa kanyang pakikipag-away sa mga kasamahan sa trabaho.
Sinabi ni WDBJ-7 station manager Jeff Marks na nagwala at nagbanta na maghihiganti si Flaganan nang ito ay kanilang alisin sa trabaho.
Kahapon ay tinupad ni Flaganan ang kanyang pagbabanta nang barilin nya habang nagrereport si Parker bago isinunod si Ward.
Kaagad na tumakas ang suspek sa crime scene pero nagawa pa niyang i-upload sa kanyang mga social media accounts ang actual footage ng ginawa niyang krimen.
Nagpadala rin ng 23-page na fax message sa ABC News si Flaganan kung saan idinetalye nya ang kwento sa likod ng ginawa niyang pagpatay.
Kabilang sa mga inilutang niyang issue ang racial discrimination sa naganap na pagpatay sa siyam na churchgoers sa Charleston South Carolina.
Limang oras makalipas ang krimen ay nasukol sya ng mga pulis pero imbes na sumuko ay nagpasya si Flaganan na magbaril sa kanyang sarili na siyang dahilan ng kanyang kamatayan. / Den Macaranas