Nagkabati na sina dating Vice President Jejomar Binay at dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado.
Sa hiwalay na panayam ay kapwa kinumpirma ni BInay at Mercado ang kanilang pagpapatawad sa isa’t isa.
Sinasabing ilang mga malalapit na kaibigan ang namagitan sa kanilang muling pagkikita na naganap sa isang restaurant sa Makati City.
Sinabi ni Binay na mula nang siya’y maging aktibo sa isang bible group na natuto na siyang magpatawad at humingi ng tawad.
Sa kanyang panig ay sinabi naman ni Mercado na totoong dinamdam niya ang pagkakaroon nila ng sigalot ni Binay na nag-ugat sa pulitika.
Sinabi ni Mercado na nagkaroon ng lamat ang kanilang samahan makaraang tumakbo bilang Mayor si dating Makati City Mayor Junjun Binay.
Nauna na raw kasing ipinangako sa kanya ng nakatatandang Binay na siya ang susunod na tatakbong alkalde sa kanilang lungsod sa pagtatapos ng kanyang termino noong 2010.
Sa pamamagitan ng kanilang pagyayakapan ay sinabi ni Mercadona natapos na ang kanilang tampuhan pero magpapatuloy umano siyang testigo sa mga kaso ng dating vice president.
Hindi naman sinabi ni Mercado kung babawiin na niya ang kanyang mga akusasyon ng kurapsyon kontra sa pamilya Binay sa kanyang pagharap sa hukuman.