PNP Chief aminadong pabor sa pagpapalaya sa grupo ni Marcos

Inquirer file photo

Nirerespeto ni Philippine National Police Chief Director General Ronald dela Rosa ang naging desisyon ng Baybay City Regional Trial Court na ibaba sa kasong homicide sa halip na murder at payagang makapag piyansa si dating CIDG Region 8 Chief Supt. Marvin Marcos.

Si Marcos at ang labingwalong iba pang pulis ang umano’y pumatay kay dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa na nakakulong noon sa Baybay Sub provincial Jail dahil sa kaso ng ilegal na droga.

Ayon kay dela Rosa, ganyan daw umiral ang criminal justice system sa bansa na kung minsan ay nananalo at minsan natatalo.

Pero paglilinaw ni dela Rosa, may dalawang anggulo ang pansamantalang paglaya ngayon ni Marcos.

Kung titingnan umano ng isang PNP Chief ang kaso ni Marcos na isalba ang kanyang tauhan ay maituturing tagumpay ito sa hanay ng PNP.

Pero kung titingnan ng PNP Chief ang kaso ni Marcos na dumidisiplina sa mga abusadong pulis ay malaking pagkatalo ito sa kanilang hanay.

Sa ngayon, sinabi ni dela Rosa na nasa gitna lamang siya pero bahagyang kumikiling sa kanyang mga tauhan.

Matatandaang una nang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na bibigyan niya ng pardon at promosyon ang sinumang pulis na susunod sa kanyang utos na tuparin ang paglaban sa ilegal na droga sa bansa.

Read more...