Ayon kay House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas, mayroong 200 kongresista ang nagbigay ng donasyon mula sa kanilang sariling bulsa sa pangunguna ni House Speaker Pantaleon Alvarez mula sa P10,000 hanggang P500,000.
Nag-ambag din anya sina Isabela Gov. Bojie Dy, Isabela Vice Gov. Tony Pet Albano, Ilocos Sur Governor Ryan Singson at Ilocos Norte Board Member Ria Fariñas.
Sinabi ng mambabatas na ilalagay muna sa trust fund ang nasabing halaga ng salapi habang nagtatag pa ng isang komite na siyang mangangasiwa kung paano ipapamahagi ng tama ang pera sa bawat pamilyang naapektuhan ng bakbakan sa Marawi City.
Ikinatuwa naman ni House Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu ang natipong donasyon.
Nagpapakita lamang anya ito na sinusuportahan ng ating mga kababayan ang mga naapektuhan ng giyera laban sa mga terorista.
Hinamon naman ni Abu ang mga malalaking kumpanya na tumulong din sa pagbangon ng Marawi City.
Ang fund raising para sa mga biktima ng Marawi siege ay sinimulan noong Mayo 28 hanggang 31.