Sumuko sa Bureau of Jail Management and Penology o BJMP ang isang preso na pinatakas ng mga miyembro ng Maute Terror Group nang sumalakay sila sa Marawi City.
Ang bilanggo ay kinilalang si Mohaderin Acampong, may kasong murder, at kasama sa 107 inmates ng Marawi City Jail at Malabang District Jail na pinatakas ng mga terorista.
Ayon kay BJMP Chief Jail Director Serafin Barretto, mula nang nakatakas ay nanatili si Acampong sa Novaliches, Quezon City sa loob ng ilang linggo.
Sinabi ni Barretto na ikinalulugod ng BJMP ang kusang pagsuko ni Acampong, sabay tiniyak ang kaligtasan ng preso na ibabalik sa kustodiya ng batas.
Sa kabuuan, sinabi ni Barretto na pitong preso na ang sumuko sa BJMP.
Naniniwala naman si Barretto na may ang iba pang bilanggo na naghihintay lamang ng tsansa na sumuko na rin, kaya garantiya ng opisyal, mas ligtas sa mga otoridad ang inmates.
Maaari rin aniyang makipag-ugnayan ang mga preso o kahit kanilang pamilya sa BJMP sakaling nais nila ng assistance para sa planong pagsuko.
Inatasan na rin ni Barretto ang lahat ng Regional Directors sa Mindanao na manatiling mapagmatyag at siguraduhing ligtas ang lahat ng inmates at mga personnel.