Pagkalat ng ISIS sa Southeast Asia ikinababahala ng Washington

 

Naaalarma na rin ang Washington sa banta ng pagkalat ng Islamic State o ISIS sa Marawi City at sa iba pang bahagi ng Timog Silangang Asya.

Ito ang dahilan kaya’t tumutulong ang Amerika sa pagsupil ng terror group na ilang linggo nang nananatili sa Marawi City at target ng operasyon ng puwersa ng Pilipinas na tinutulungan ng puwersa ng Amerika,

Gayunman, marami sa mga mambabatas sa Estados Unidos ang nais na magbigay pa ng karagdagang tulong, kabilang na ang mga Republican party members kung saan kaanib si US President Donald Trump.

Ito ay upang mapigilan ang pamamayagpag ng ISIS sa Pilipinas at iba pang bahagi ng Southeast Asia.

Sa kanyang statement sa US Congress, sinabi ni Defense Secretary Jim Mattis na nananatiling nasa ‘advise and assist role’ ang puwersa ng Amerika sa sitwasyon sa naturang lungsod.

Tanging ibinibigay na tulong aniya ng mga ito ay ang pagbibigay ng aerial surveillance upang mabawi ng mga sundalo ang Marawi.

Paniniwala ni Republican Sen. Joni Ernst, target ng ISIS na magpadala pa ng mga foreign fighters sa rehiyon na makapagpapalakas lalo sa grupo.

Ito aniya ay dapat na mapigilan sa lalong madaling panahon.

Sa pinakahuling pagtaya, nasa 40 mga dayuhang miyembro ng ISIS ang kabilang sa pumasok sa Marawi City at nagtangkang magtaas ng bandila sa naturang lungsod.

Read more...