Sa isang viral post sa Facebook, nagreklamo si Jujeath Nagaowa, kasalukuyang Light Flyweight champion ng buong mundo ng Womens International Boxing Association o WIBA, dahil siningil umano siya ng BoC ng P5,819.00 para ma-i-uwi ang kanyang championship belt.
Si Nagaowa ay lumaban sa isang international competition sa Macau noong June 2, 2015 subalit hindi niya agad nakuha ang kanyang championship belt dahil hindi ito natapos agad gawin at manggagaling pa ng Florida, USA.
Inabisuhan si Nagaowa na ipadadala na lamang sa kanya ng door-to-door ang kanyang tropeo subalit nang natanggap na nila ng notice of shipment ay umabot na ng isang linggo ay wala pa din ang kanyang kahon.
Naisipan nilang sunduin na lamang ito sa customs office sa may airport dahil ganito din ang nangyari nung may magpadala sa kanya ng boxing gloves mula Australia para sa training niya. Siningil din siya ng P1,000 para sa boxing gloves, na mas mahal pa sa halaga ng gloves sa tindahan.
Nang kunin ng trainor ni Nagaowa ang kanyang championship belt ay siningil sila ng P5,819.00 bilang buwis daw sa pagpasok ng tropeo. Mismong customs na din ang nagdeklara ng halaga ng championship belt dahil hindi mapresyuhan nina Nagaowa ang halaga nito.
Sa eksklusibong panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Nagaowa na sobrtang dismayado siya sa ginawa ng customs sa kanya dahil nagdala na siya ng karangalan sa bansa ay pinerahan pa siya ng pamahalaan niya.
Mabuti pa daw ang mga banyaga o mga Fil-Foreigners ay may mga pribilehiyo ‘pag naglalaro para sa bansa di katulad niya na sumabak na sa sampung round ng bakbakan ay siningil pa ng buwis ang kanyang tanging ebidensiya na siya ay isang world champion./Ira Panganiban