Inilaang P13 bilyon para sa irigasyon, baka matulad sa fertilizer fund scam – Rep. Ridon

from NIA
From NIA website

Nangangamba si Kabataan Party List Rep. Terry Ridon na baka maging isa na namang ‘fertilizer fund scam’ ang pondo na inilaan para sa irigasyon sa nagkakahalaga ng P13 bilyon.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Ridon na ang naturang halaga ay inilaan para sa irigasyon pero nakasaad na ito ay para sa Metro Manila.

Nakapagtataka ayon kay Ridon na may nakalaang irrigation fund para sa Metro Manila gayung wala namang irrigation canal sa NCR. “Wala namang irrigation canal dito sa NCR. Ang meron dito sa NCR kanal lang talaga. Ang isa kasi sa pinangangambahan baka maulit yung sa fertilizer fund dati.,” sinabi ni Ridon.

Sinabi ni Ridon na hinihintay pa nila ang buong paliwanag kaugnay sa nasabing isyu. Nakapagtataka din kasi aniya kung ang nasabing pondo ay para sa maintenance ng kanilang tanggapan sa Metro Manila dahil masyado namang malaki ang halaga para sa maintenance lamang.

Ngunit kinontra ni Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization Sec. Francis Pangilinan ang pahayag ni Ridon.

Ani Pangilinan, hindi para sa irigasyon sa Metro Manila ang nasabing halaga.

Ang halaga ayon sa kalihim ay inilagay lang sa Metro Manila dahil ang tanggapan ng National Irrigation Administration ay nasa Quezon City.

Ang NIA main office aniya ang nangangasiwa sa lahat ng irrigation system sa buong Pilipinas. “Ang P13B na budget po ay inilagay sa NIA office sa NCR dahil sila ang nago- oversee ng sistema ng irriigation nationwide. It is incorrect to say na there is more money for irrigation in Metro Manila, mali ho iyon,” sinabi ni Pangilinan sa Radyo Inquirer.

Ayon pa kay Pangilinan ang nasabing halaga ay para sa sistema ng irigasyon sa mga lalawigan./ Dona Dominguez-Cargullo

Read more...