Iimbestigahan ng Department of Transportation (DOTr) ang insidenteng naganap sa isang flight ng Cebu Pacific kung saan ay makikitang nagpa-panic ang mga pasahero.
Ito ay may kaugnayan sa viral video na ipinost sa Facebook ni Gil Durano kung saan ay makikitang nagkakagulo ang mga tao dahil sa sobrang init sa loob ng flight 5J 575 ng Cebu Pacific na papunta sa Cebu City.
Isang babae rin ang hinimatay sa sobrang init makaraang masira ang airconditioning system ng eroplano.
Ilang mga pasahero ang nag-request sa mga crew na ilipat na sila ng eroplano o kaya naman ay palabasin pero maririnig naman ang isang crew na nagsabing manatiling nakaupo lang ang mga pasahero.
Sa kanilang statement, sinabi ng DOTr na pamumunuan ni Undersecretary for Aviation Capt. Manuel Antonio ang gagawin nilang imbestigasyon.
Samantala, sinabi naman ng pamunuan ng Cebu Pacific na pinalitan rin nila ang eroplano sa nasabing flights at nakalipad ito kagabi (June 16) ng 7:32PM at nakarating sa Cebu ng 8:52PM.
Kaagad din umano nilang tinulungan ang babaeng hinimatay dahil sa sobrang init.
Natagalan umano ang pag-alis ng nasabing eroplano ng Cebu Pacific dahil may mga nilinis pang debris sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Umabot na sa mahigit sa 1 Million ang views sa nasabing post sa Facebook.